Juris and Chin, pinuno ang Big Dome... Jano, MYMP din
by: Allan Diones NOvember 21, 2005
Hindi punumpuno ang Araneta Coliseum pero ang daming nanood ng MYMP: Best concert ng Make Your Momma Proud nung Biyernes nang gabi.
Natutuwa kami para sa paborito naming acoustic duo dahil kung last time ay Music Museum lang ang pinuno nila, ngayon ay Big Dome na.
Opening songs pa lang ni Juris Fernandez na I Dont Want To Wait In Vain at Get Me ay panay na ang tilian ng audience at feel na feel ng crowd na maki-sing along sa kanila.
Lalong lumakas ang hiyawan nung awitin ni Juris ang breakthrough hit nilang A Little Bit. Ang sarap-sarap sa tenga ng malamyos na tinig ni Juris na sinasabayan ng paggitara ng ka-tandem na si Chin Alcantara.
Ang ganda nung tribute number ng MYMP para sa mga local artist na naka-inspire sa musika nila tulad nina Aiza Seguerra (Pagdating ng Panahon), Paolo Santos (Moonlight Over Paris), Jimmy Bondoc (Let Me Be The One) at Nyoy Volante (Nasan Ka Na?).
After kantahin ni Juris ang Kailan ng Smokey Mountain at Sa Kanya ni Ogie Alcasid ay naki-jam siya sa kanyang kababayan (pareho silang taga-Davao) na si Jay Durias (tumutugtog ng keyboard habang kumakanta) kasama ang dalawang bokalista ng South Border na sina Vince Alaras at Duncan Ramos.
Kuwento ni Jay, si Juris ang kumanta sa demo tape ng theme song ng telefantasyang Darna bago pa ito inawit ni Regine Velasquez, kaya si Juris daw ang original Darna.
Applauded ang version ni Juris ng Di Na Mag-iisa na sinulat ni Jay Durias.
Ang lakas ng tilian nung kantahin nina Jay, Vince at Duncan ang Mulawin theme song na Ikaw Nga. Ang taas ng falsetto nina Vince at Duncan at ang galing-galing nilang magpakulut-kulot ng boses. Pinakamalakas ang tilian kay Duncan na balitang nobyo ngayon ni Rufa Mae Quinto.
Ang ganda ng version ni Juris ng napaka-senting Ill Never Get Over You (Getting Over Me) ni Selena na kasama raw sa next album nila, pati na ang Nakapagtataka (ni Hajji Alajandro) na personal favorite ni Chin.
Versatile ang boses ni Juris, hindi lang ito pang-acoustic, pwede rin sa biritan at rakrakan. Matinis na powerful ang boses niya at wala siyang effort kung bumanat ng matataas na kanta.
Carry niya mapa-upbeat o pop rock na kanta nina Gwen Stefani, Alanis Morrisette o Avril Lavigne. Si Chin naman ay bunanat ng The Reason ng Hoobastank.
First time din naming nakitang nag-Madonna si Juris na pumunta pa sa audience habang nagsi-sing and dance ng Borderline, Cherish at Material Girl, segue sa Crazy For You.
Ipinakita sa videowall si Kris Aquino na nasa audience at feel na feel din ang pagsi-sing along. Earlier ay si Kris ang nanguna sa pagsisindi ng giant Christmas Tree sa Araneta Center.
Kwela yung part ni Janno Gibbs na ginawa niya kunwari yung Balakubak portion nila sa Nuts Entertainment at inintriga niya sina Juris at Chin. Fan daw si Janno at ang dalawang daughters niya ng MYMP. Siya raw mismo ay MYMP -- Medyo Young, Medyo Pandak!
Applauded ang duet nina Janno at Juris ng If Im Not In Love. Nakaka-touch yung next number na kinanta ni Juris ang Because You Loved Me ni Celine Dion na dedicated sa kanyang ina.
Habang umaawit ay panay ang iyak ni Juris at maya-maya ay pinuntahan niya sa audience ang mommy niya para bigyan ng rosas. Nag-iyakan ang mag-ina habang magkayakap.
Sunod dito ang paborito naming Talaga Naman, ang bagong single mula sa kanilang second album na Versions and Beyond.
Hindi raw makapaniwala sina Juris at Chin na sa loob ng Araneta na sila nagko-concert samantalang dati ay doon lang sila tumutugtog sa may labas, sa Padis Point Araneta.
Hindi syempre matatapos ang gabi na hindi nila inaawit ang kanilang biggest hit this year na Tell Me Where It Hurts na sinabayan ng kanta ng audience. Sa kanyang encore number ay sing si Juris ng isang Christmas song, tapos ay medley ng retro disco songs na sinabayan ng sayawan ng buhay na buhay na crowd.
Tapos na ang show ay may mga sumisigaw pa rin ng "More!" at halatang ayaw pang magsiuwi ng mga tao na tila bitin na bitin pa sa MYMP, mereseng alas-dose na nang hatinggabi!