May mga nang-iintriga kina Juris Fernandez (ng MYMP, Make Your Momma Proud) at Nina. Bukod kasi sa pareho nilang ni-remake ang Love Moves (In Mysterious Ways) sa kanilang respective albums ay nagtapatan ang mga concert nila (sa Music Museum ang MYMP at sa Araneta Coliseum si Nina) nung Oktubre 1.
Pati ang sales ng albums nila ay ayaw ring magpatalbog sa isat isa -- parehong sextuple o six times platinum ang mga ito. Okey lang ba kay Juris na pinagkukumpara sila ni Nina?
"I think, halu-halo naman po yung fans ni Nina at ng MYMP, eh. Yung pagkukumpara, medyo matagal na rin po kaming kinu-compare. Okey lang po yon.
"Kung may bibili ng album niya at gusto kaming i-compare, eh, bibili rin ng album namin, di ba? Ha! Ha! Ha!
"For sure, meron ding ibang singers na ikinukumpara sa kanya, kaya okey lang sa akin yon. Kahit nagkapareho kami ng kanta, marami pa ring bumili ng albums namin, di ba?" nakangiting sey ng Davaoeñang si Juris nang matsika namin kamakailan sa Serendipity Lounge ng Discovery Suites para sa major concert nilang MYMP Best sa Araneta Coliseum sa Nobyembre 18.
Hindi raw alam ni Juris at ng kasama niyang si Chin Alcantara na iri-remake din ni Nina ang Love Moves sa album nito. Naunang i-release ang album ng MYMP at after 2 weeks ay lumabas ang kay Nina.
Kinanta nila ang Love Moves sa isa sa radio guestings nila at labis itong nagustuhan ng listeners hanggang sa pagpasa-pasahan ito sa internet.
Naisipan nilang i-record ito at isama sa kanilang 2nd album dahil pati sa out-of-town shows nila ay madalas silang mahilingan na kantahin ito.
Hindi nila ito ini-release as a single dahil nilabas na ito bilang single ni Nina. Paano kung intrigahin si Juris na mas magaling sa kanya si Nina?
"Aminado ako na mas mataas ang boses niya sa akin! He! He! He! Hindi ko kaya yung sobrang taas. May matataas akong kanta pero hindi yung talagang biritan."
So, hindi siya isang diva?
"Hindi ko kayang maging diva. Eto lang siguro, masaya na ako."
Tumango na lang si Juris nang sabihin naming kung Soul Siren si Nina, in fairness to her ay pwede siyang taguriang Acoustic Diva.
***
Nausisa rin namin kay Juris kung bakit tumiwalag sa grupo ang dati nilang miyembro at ex-boyfriend niyang si Mike Manahan.
Nilinaw niya na walang kinalaman doon ang kanilang relasyon dahil bago pa nila ni-record ang kanilang 1st album ay break na sila ni Mike.
"Basta, umalis lang siya!" ang matipid na sagot ng dalaga na medyo natatawa.
Tatlong taon din sila ni Mike. Bago pa nila binuo ang acoustic trio nila noon ay may relasyon na sila. Kung siya ang masusunod ay mas gusto niya na buo pa rin silang tatlo, kaya lang ay wala rin siyang magagawa sa kaso ng kanyang dating nobyo.
Okey lang kay Juris na may bago nang GF si Mike pero siya ay loveless pa rin. Matagal na siyang nag-move on pero wala pa siyang sinasagot sa mga manliligaw niya.
Napaamin namin siya kung sino ang kanyang crush sa showbiz -- si Juddah Paolo! Malinis daw kasing tingnan si Juddah at lalakeng-lalake ang dating.
Nasabi na raw niyang crush niya ito nang minsang magpapiktyur siya kasama si Juddah.
Graduate na ng college ang 20+ (ayaw niyang sabihin ang eksaktong edad niya) na si Juris. Ang kanyang ina at kapatid na babae ay parehong doktor at ang ama niya ay isang retired engineer. Kung hindi raw siya naging singer ay malamang doktor din siya ngayon.
***
Mas malinaw ang paliwanag ng ka-tandem ni Juris na si Chin Alcantara kung bakit nawala sa MYMP ang dati nilang miyembrong si Mike Manahan.
Ayon kay Chin, bilang band leader at musical director ng MYMP, istrikto siya pagdating sa trabaho. Ang problema ni Mike ay nagsa-suffer umano ang role nito noon sa grupo (bilang singer at percussionist) dahil sa kagigimik.
Nag-deteriorate daw ang pagkanta nito at kapag may gigs sila ay paos ito, umuubo o pumipiyok. Winarningan daw niya si Mike na ayusin ang sarili at magpahinga dahil nakatakda na silang mag-promote noon ng kanilang 1st album pero sadya umanong pasaway ito.
In fairness to Chin ay hindi raw niya pinaalis si Mike kundi nagkusa itong umalis sa grupo. Okey lang kay Chin na umalis ito dahil alam daw niyang si Juris ang nagdadala sa MYMP at hindi si Mike.
Nagbabatian daw sila ni Mike (may sarili na itong acoustic duo ngayon) pag nagkikita sila. Kaya lang, nung last time na magkita sila sa isang gig sa Bagaberde ay nagkagulo dahil may mga hatak umano ang grupo ni Mike na binabastos si Juris.
Ang kuwento ni Chin, yung tropa ng GF ni Mike ay sinabihan si Juris ng pangit at cheap kaya siya mismo ay nagalit at nakisali na rin sa away.
Kay Chin galing ang pangalan ng duo nila na Make Your Momma Proud. Tribute niya ito sa kanyang butihing ina na si Dra. Stella Alcantara na pumanaw noong 1995 sa sakit na breast cancer.